Magpapasko nanaman.
Mula pagkabata, paborito ko na ang pasko. May samting sa hangin na espesyal kapag pasko. Hindi na kasing init ng ibang buwan ng taon. Pwede ka nang mag layers kung gusto mo. Naglalabasan ang mga parol sa Gilmore street kapag nagmamaneho ako pauwi ng bahay. Sumasayaw ang mga ilaw na parang hinehele ang mga mata ko. Nagsisitugtugan narin ang mga paborito kong Christmas carols lalo na yung mga kinakanta ni Jose Mari Chan. Klasik yun para sakin.
Pag pasko, sama sama kaming apat sa bahay. Si Daddy, si Mami, si Ana at ako. Sila ang mga constant na bida sa pelikula ng buhay ko. May mga paskong marami kaming pagkain sa mesa, mayroon namang panahon na spaghetti at pandesal at regalong fruit cake lang ang handa. Sorry kung ni-“lang” ko yun, hindi yun pagmamaliit sa spaghetti. I love spaghetti.
Excited ako pag pasko. Excited para sa misa, at lalong excited sa pag-uwi sa bahay, pag kami nalang apat, at magdadasal na kami ng sama sama. Dasal na halos hindi ako maka-pokus dahil panay regalo na ang tumatakbo sa isip ko. Hindi lang ako sa regalong matatanggap ko excited. Excited ako lalo sa magiging reaction nila Mami, Daddy at lalo na ni Ana sa mga regalong binigay ko. Gusto kong pinapanood ang mga reaction nila sa bawat regalo, at sa bawat card na sinusulat ko para sa kanila. Nakakatuwa kapag naiiyak pa sila. Madalas si Ana at si Daddy yung naluluha pagdating sa christmas cards. Masaya ako dun. Sila kasi ang pinakamagaling mag reak. Pakiramdam ko buong buo ang regalo ko.
Pasko ng 2009, ang unang pasko na wala na si daddy—ang pinaka depressing na paskong naranasan ko. Sobrang lungkot, na ngayong December nanaman, natatakot na ako tumingin sa mga parating na araw. Hindi pa ako handa. Gusto kong ibalik ang dati. Kahit alam ko naman na ang sentro ng pasko ay si Hesus at hindi naman ang feelings ko, hindi ko mapigilang aminin na gusto kong ibalik ang dati. Gusto ko ulit maging masaya. Kaming tatlo. Kaming apat. Pero hindi ko alam kung paano.
Kaya eto ko ngayon. Kung ano ano nalang ang sinusulat ko. Akala ko may mabubuo akong maganda, pero kalat kalat naman ang isip ko. Nag-aabang kung anong mangyayari. Nananatili sa pakiramdam ng walang pakiramdam. Umaasa. At kumakapit sa pagmamahal ng iba.





